|
Mabuhay ang Pilipinas
By Sierramar Cordero
Malalaman mong talaga ka nang nasa Pilipinas kapag tumawag ka sa telepono at may
sumagot sa iyong, “for a while,” sa halip na yung karaniwang “just
a moment” o dili kaya ay “sandali lang ho.” Nang una kong marinig
ito ay kamuntik na akong napahalakhak pero pagkaraan ng ilang sandali, bumulong
ako sa sarili ng, “o, sige na nga.”
Unti-unti nang nararamdaman natin ang epekto ng brain drain dito. Isang kaibigan
ang nag-apply sa Social Security System o SSS para sa kanyang pension. Sa unang
tingin ay parang may sistema namang naturingan ang SSS. Pero lumitaw na ang pagbibigay
nila ng kaukulang impormasyon tungkol sa mga hakbang na kailangang gawin ng aplikante
ay piecemeal o pira-piraso. Kulang-kulang ang kanilang mga pahayag na ibinigay
sa aking kaibigan. Bunga nito ay pabalik-balik siya sa kabila ng kanyang pagkayamot.
Wala na kayong mahusay na magsusulat ng isang pangkalahatang checklist para maiwasan
ang ganitong pangyayari? Wala namang aplikante na gugustuhing magpabalik-balik
siya lalo pa’t magtataasan na ang pasahe. Kaya pala anya mistulang hinalong
kalamay ang mga tao pag nagpunta ka sa SSS. May kanya-kanyang kwento ang karamihan
ng may transaksyon sa higanteng ahensya ng gobyerno. Naruon ang may nagsabing
inabot na siya ng anim na buwan sa pag-apply pa lang.
Sa kasalukuyan, ang Department of Foreign Affairs o DFA ay malimit mabanggit sa
mga balita, tulad ng inaasahan. Nariyan ang masalimuot na pangyayari sa ilan nating
overseas workers, ang pagkapaslang sa isang mataas niyang pinuno, at ngayon ay
ang rigodon ng mga mag-ookupa ng embahada o konsulado sa iba’t ibang bansa.
Lumalabas na walang patumangga ang Pangulong Gloria Arroyo sa paglalagay ng mga
taong malalakas sa kanya. Bunga nito ay nawawalan ng puwesto ang mga career officers
ng departamento. Yung mga magagandang postings ay pinag-aagawan ng mga malalakas
at kung ano na lang matira ang pagtitiyagaan ng mga taga-loob. Panahon na siguro
para ang mga magigiting na mga tao natin sa DFA ay ipakitang sila ay karapat-dapat
na sumunod sa mga adhikain ng Ka Poling(Apolinario) Mabini at labanan ang sistemang
binabaluktot ng ating pamunuan. Dapat silang magkaisa at magprotesta isang araw
laban sa ganitong palakad ng presidenta. Tulad baga ng mga obispo na may planong
maglunsad ng isang araw ng pagluluksa sa ika-11 ng Hunyo, bisperas ng ating Araw
ng Kalayaan.
Nagsisimula lang yan sa ganyan. Bago mamalayan ay para ka na palang na-tsunami.
Ang mga pinuno ng ating bansa ay kailangang marunong “magbasa” ng
mga nangyayari. Hindi ba’t matagal din bago tayo nag-alsa laban kay Ferdinand
Marcos? Inabot tayo ng 14 na taon. Pero eto at wala pang tatlong taon ay nawala
na sa kapangyarihan si Joseph Estrada, salamat sa tulong ng modernong teknolohiya.
Marami ang nagsasabi na kung marunong-runong daw si Noli de Castro ay malamang
nawala na sa eksena ang ating kasalukuyang pangulo. Masasabi natin na sa kasalukuyan,
ang mga tao ay mulat na, hindi na natutulog, kaya kung sinuman ang mga nasa pamunuan
ay kailangang magpakabuti sa pag-ugit sa ating pamahalaan. Tutal, talaga namang
yan ang pinanumpaan nilang gagawin.
Ako’y hindi nawawalan ng pag-asa sa ating lupang tinubuan at sa ating mga
tao:
Habang may pumupuna na katulad ng Representante ng Catanduanes na si Joseph Santiago
sa panukala ng Government Service Insurance System(GSIS) na mag-invest sa labas
o international market ng $200 milyon o katumbas ng P11 bilyon,
Habang may isang Dennis Miguel at Council for Children in Conflict with the Law
doon sa Marikina City na nagsusumikap turuan ang mga presong menor de edad ng
painting samantalang ang mga ito ay nakabilanggo gawa ng mabagal pa sa pagong
na pagkilos ng hustisya,
Habang may humahadlang na mga taumbayan sa gustong pagtatayo ng pamahalaan ng
dalawang palapag na gusali para umano sa mga guro doon mismo sa loob ng Arroceros
Forest Park na tinaguriang “huling baga(lung)” ng Maynila.
Habang may Alternative Learning on Higher Arithmetic o ALOHA Learning Systems,
Inc, kung saan tinuturuan ang ilang kabataan natin ng matematika na ikinapanalo
nila sa taunang Olympiad. Bunga nito’y hinihimok ng ALOHA na subukan ng
ating Department of Education ang kanilang pamamaraan ng pagtuturo ng matematika.
Hindi tayo nawawalan ng pag-asa sapagkat naniniwala tayo sa kasabihang, “GOD
writes straight with crooked lines.” Kaya, Pilipinas naming mahal, mataos
na pagbati sa iyong ika-107 na anibersaryo ng kalayaan. Mabuhay!
At bago tayo tuluyang magpaalam, batiin natin si Sister Trinidad Oliva, OSB, sa
kanyang Golden Jubilee noong nakaraang buwan at si Fr. Ruper Solis, SVD, sa kanyang
ordinasyon na ginanap sa Tagaytay City kamakailan. Mabuhay tayong lahat!
|